Ni RMACollo
Coopmart Manabo, nagbukas na
Ni RMACollo

Kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ng Supremo ng Katipunan na si Gat Andres Bonifacio, pinasinayaan ang pagbubukas ng ikaapat na sangay ng ADTEMPCO Coopmart sa bayan ng Manabo, Abra noong November 30, 2020.
Punung-puno ng kahulugan ang nasabing okasyon na maiuugnay sa bayaning si Andres Bonifacio sapagkat ang pagkakatayo ng Coopmart ay maihahalintulad sa adhikain ng mga bayani na bigyan ng kasarinlan ang mga Pilipino. Kung kalayaan mula sa pananakop ang ipinaglaban ni Bonifacio, ipinaglaban naman ng ADTEMPCO ang kalayaan ng mga taong mamili at makibahagi sa malayang merkado.
Sa pamamagitan ng Coopmart, nabigyan ng kalayaan ang mga tao na piliin kung saan gagamitin at kung paano sinupin ang kanilang mga pinagpaguran. Sa Coopmart, mas makakabawas sa gastusin ng karamihan ang pagtangkilik dito dahil sa makatarungang presio para sa mga mamimili. Dahil sa Coopmart, mas makakatipid din sila sa gastusin sa transportasyon dahil hindi na sila kailangang lumuwas ng Bangued upang mamili ng kanilang mga kailangan.
Ang karagdagang benepisyo ay ang patronage refund at loyalty points kung saan may bahagdan ng kita ng Coopmart ang ibabalik sa mga tatangkilik dito.
Sa kabila ng mga naunang pagtutol ng mga negosiante sa lugar, pinapanindigan ng ADTEMPCO na ang Coopmart ay hindi kalaban kundi kaagapay ng mga mamamayan para sa mas maunlad na buhay kung saan ang kapakinabangan ay para sa mas maraming mamimili .
Para naman sa mga kasapi ng ADTEMPCO at mga residente sa Manabo at karatig-lugar na dumalo sa okasyon, malaking bagay sa kanila ang pagbubukas ng Coopmart dahil sa mga kapakinabangang makukuha nila sa pamimili dito.
Ang Cooopmart Manabo ay katuparan ng ilang taong pagpupunyagi ng ADTEMPCO upang maipaabot ang serbisyo ng kooperatiba sa mga kabayanan ng Abra.
(Ang pagkakasulat sa Filipino ng lathalaing ito ay pagpaparangal kay Supremo Andres Bonifacio, isa sa mga bayani ng lahing mapagpalaya.)